Kanina lang ulit ako nakapunta sa bahay mo a. Nakalimutan ko na halos kung gaano ka tahimik sa lugar mo. Kung gaanong ang sarap mag isip kapag nandoon ako sa loob. Kung paanong parang sobrang napakaligtas ko kapag kaharap kita. Kung gaanong gumagaan ang aking kalooban kapag nandon ako. Kung paanong ramdam na ramdam ko doon ang iyong presensya.
Ang tahimik doon. Para bang sising sisi ako sa lahat nang kasalanang nagawa ko. Alam ko mag isa ka lang dyan. Ay pwera dyan pala sa mga katabi mo sa altar. Ako maraming kasama dito sa labas. At masaya dito. Ikaw ba dyan?
Masaya ang buhay ko dito sa labas. Ikaw ba dyan sa bahay mo? Masaya din ba dyan? Salamat nga pala sa buhay na ipinagkaloob mo sa akin, kapalit naman ng buhay mo. Salamat ha.
Alam kong hindi ko nagagamit minsan sa mabuting paraan ang pagkakaroon ko nang buhay. Sumasaya ako dahil sa mga bisyong natutunan ko. Masyado akong makasalanan na nahiya naman akong pumasok sa bahay mo. Bilang isa lang akong nilalang na ipinorma kasunod ni adan at ni eba, makasalanan din ako. Ngunit hindi ko naman dinadahilan ang pagiging makasalanan nila kaya ako ganito.
Ang sa akin lang, tao lang ako. Malapit sa temptasyon. At tao lang ang mga nasa paligid ko, mga temptasyon.
Alam kong ang dami kong mali, pagkukulang, kasalanan. Sana sa saglit na dalaw ko at pag kausap sa iyo, mabigyan mo pa ako nang kaunting puwang sa puso mo. Alam kong mas maraming mas nagmamahal sayo, at marahil mas mahal mo.
Pero sana alam mong kahit ganito ako, kahit ni sa dasal hindi ko mabigkas, kahit sa isip ko lang kahat, sana alam mong mahal na mahal kita, nagpapasalamat ako sa lahat nang ginawa mo para sa akin at sa bawat pagkakamaling ginagawa ko ay may kalakip na ako na humuhingi nang tawad.
Alam kong nalihis ako nang daan pero ang puso ko, deretso pa din sa iyo.
No comments:
Post a Comment