Pinaka malalang bisyo

Ikaw ang pinakamalala kong bisyo. Hindi ka lang sagabal sa pag-aaral, sagabal ka rin sa pagkain, pagtulog, at kahit paghinga ko. Hindi ko inakala na magiging ganito ako kapabaya sa buhay ko nang dahil lang sa isang tulad mo. Tulad ng ibang bisyo, hindi ko inisip ang mga masasamang epekto nang “simulan” kita. Ang nasa isip ko lang noon, kung paano mo akong napapasaya, kung gaano ka kasayang kasama, na para akong lumulutang sa kawalan kapag kausap ka at pinapatawa ako, na ikaw lang ang nakikita ko kapag kasamang naglalakad, na natutunaw lahat ng tao sa paligid at boses lang nating dalawa ang naririnig. Napakadami kong dahilan na kayang sabihin para ipagtanggol ang pagkalulong ko sa bisyo ko: ikaw.

Napakadami kong binalewala. Oo, kasalanan ito. At tulad ng lahat ng bisyo, huli na ang lahat nang magising ako sa katotohanan. Tulad ng isang matinding hangover, sabay ng paggising ko ang pinakamatinding sakit ng ulo, ang pakiramdam na nasusuka ako, at ang pag-ikot ng buo kong paligid. At kasabay din ng hangover ay ang pagbalik at pagdagdag ng lahat ng problemang inasahang mawawala nang umpisahan ang bisyo.

Totoong hindi maganda ang nagagawa ng bisyo. Binubulag ka lang ng mga pangakong makakalimutan mo ang mga problema mo, lulunurin ka sa saya at paaasahing masayang lahat ang nangyayari sa paligid mo. Huli na kapag namalayan mong ang pinaniwalaan mong maglalayo sayo sa mga problema—kahit pansamantala—ay sya ring dahilan ng panlulumo mo sa susunod na umaga.

Kasalukuyan akong nasa rehab ngayon. Wala na akong balak balikan ang aking bisyo, gaano man ako mahirapan ngayon na tanggalin ka sa aking sistema. Alam kong kahit na piliin kong ipagpatuloy ang bisyo, o ang pagrehab, may hirap akong mararanasan. Pero mas pipiliin ko na ang pansamantalang hirap na pangmatagalan na kaginhawaan ang kapalit, kaysa sa pansamantalang kaligayahan na bigay mo na pangmatagalang hirap ang hatid.

No comments:

Post a Comment